-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang lalaking nang-amok sa Tayug, Pangasinan na inawat ng isang pulis na nagresulta sa pagkakabaril sa suspek.

Ayon kay PCAPT. Renan Dela Cruz, ang Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office bago umano mangyari ang pamamaril ng isang Police Corporal kay Romeo Costales Asuncion, ang paghahamon nitong may iitaking tao at yun ay ang kaniyang kainuman dahil umano sa hindi pagkakaunawaan.

Kalaunan ay tinotoo nito ang kaniyang sinabi at kumuha ng itak atsaka pinaghahabol ang kainuman nito.

Nakaiwas at nakatakbo naman ang target nito ngunit nang harangin ng isang police personnel na naka-deploy noong mga oras na ‘yon, binantaan nito ang suspek na isa siyang pulis upang subukang pigilan ang pang-aamok ng suspek ngunit nagmatigas ito at tinangka ring itakin ang opisyal.

Dahil dito napilitan ang Police officer na ito na barilin ang lalaki sa bandang hita nito.

Nagawa lamang umano ito ng opisyal upang wala nang masaktan pa ang suspek.

Samantala, matapos ang insidente, nag-surrender din ang pulis na bumaril kabilang ang pagsuko ng kaniyang baril na ginamit.

Gayunpaman, pinuri pa rin ni Dela Cruz ang ginawa nitong aksyon dahil tungkulin lamang ng pulis na unahin ang seguridad ng mga mamamayan.

Sa kasalukuyan din ay nagpapagaling naman na ang suspek sa pagamutan at inihahanda na rin ang mga kasong ipapataw dito kabilang na ang frustrated homicide at article 151 o Disobedience to the Authority.