-- Advertisements --

Nagbabala ngayon ang mga pulisya sa publiko na mag-ingat sa mga perang natatanggap kasunod na rin ng pagbabalik ng modus na pagpapakalat ng pekeng pera sa mga pamilihan.

Ginawa ng mga otoridad ang babala kasunod na rin ng pagkaaresto ng isang 50 anyos na lalaki sa isinagawang entrapment operation sa Brgy. Pasil nitong lungsod ng Cebu noong Hunyo 5 dahil sa pagbebenta nito ng pekeng pera.

Matagumpay namang nakuha mula sa posisyon nito ang 41 pekeng P500 bill, at 35 pekeng P1,000 bill.

Sinundan pa ito ng pagkahuli ng dalawang indibidwal noong Martes sa bayan ng Ronda Cebu na nagtatangkang gumamit ng pekeng pera para bayaran ang biniling karne.

Inihayag ni Cebu City Police Office Director PCol Ireneo Dalogdog na patuloy umano ang kanilang isinagawang malalimang imbestigasyon at monitoring kaugnay sa mga pekeng pera at pinayuhan pa niito ang publiko na suriing mabuti kung ang perang hawak o tinatanggap ay hindi ba peke.

Dagdag pa nito na kadalasang nagsilabasan ang mga pekeng pera sa tuwing holiday season o kaya kapag nalalapit na ang eleksyon.

Ang sinumang gumamit o nagbebenta ng pekeng pera ay mahaharap sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code at maaaring makulong ng 12 taon at isang araw .

Sa panig naman ng Cebu Police Provincial Office, base sa kanilang imbestigasyon, ang dalawang nahuli sa bayan ng Ronda ay magkaibigan na nagmula pa sa bahagi ng Luzon.

Wala pa umano ang mga itong tinutuluyan dito at posible pang pinaplano na talaga ng dalawa.

Naniniwala naman ang pulisya dito na may grupo ang mga naaresto dahil hindi naman ito madalas na nangyayari at ginagawa lamang ng mga ito sa tuwing may malaking aktibidad o okasyon.