Hinimok ng Joint Task Force COVID Shield ang mga police commanders at kanilang mga tauhan na regular na i-monitor ang social media para sa mga paglabag sa quarantine protocols.
Sa isang pahayag, sinabi ni JTF COVID Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar na nagpo-post ang mga netizens sa social media para ireklamo ang mga violation sa minimum health protocols gaya ng maramihang pagtitipon sa mga inuman at iba pang uri ng selebrasyon.
Maliban dito, ilang mga netizens din ang nag-a-upload ng mga photo at video ng mga dinaluhan nilang pagtitipon sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine.
Ayon pa kay Eleazar, makikita sa ilang mga Facebook page ang mga larawan at video ng ginagawang paglabag sa quarantine regulations na nakuhanan ng closed circuit television (CCTVs) at dashcams.
“The social media are full of photos and evidence of hardheaded people deliberately violating the quarantine protocols. These can be used as pieces of evidence to warn, to fine and to summon the people concerned in coordination with the barangay officials concerned,” wika ni Eleazar.
Kabilang sa mga karaniwang paglabag na ipino-post sa social media ay ang mga magkakaangkas sa motorsiklo at mga nag-iinuman.
Sinabi pa ng opisyal, maaaring maharap ang mga mahuhuling nag-iinuman sa karagdagang mga kaso lalo na kung may ipinatutupad na liquor ban sa kanilang komunidad.
Sa datos mula sa JTF COVID Shield, makikita na mula noong Marso 17 ay mahigit sa 365,000 ang binigyang ng warning, pinagmulta, at kinasuhan ng paglabag sa quarantine rules.
Samantala, umapela rin si Eleazar sa mga netizens na i-report sa PNP ang mga pasaway sa quarantine protocols kahit na mga pulis.
Una nang nangako ang bagong-upong hepe ng PNP na si PLt. Gen. Camilo Cascolan na magpapatupad ito ng disiplina sa mga police personnel na mahuhuling susuway sa quarantine protocols.
“I will see to it that everybody who imposes or implements the law shall be disciplined and should also follow the law they are implementing,” ani Cascolan.