-- Advertisements --

Mayroon na ngayong dalawang persons of interest ang mga otoridad sa nangyaring krimen kagabi sa Brgy. Silab, Amlan, Negros Oriental kung saan brutal na pinatay ang isang babae kagabi, Enero 9, 2023.

Kinilala ang biktima na si Suet Barete, 25 anyos, may dalawang anak at residente ng nabanggit na lugar.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCapt. Dino Padron, sinabi nitong patuloy pa ang kanilang isinagawang follow-up operation.

Lumabas pa sa kanilang inisyal na imbestigasyon na huling nakita ang biktima na nag-grocery sa isang tindahan.

Nakatanggap nalang sila ng tawag na may pinatay sa nabanggit na lugar kaya agad nila itong nirespondihan.

Nagtamo ng hiwa sa leeg, ulo, at naputol ang daliri ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Sinabi pa ni Padron na patuloy ang kanilang isinagawang imbestigasyon upang matukoy kung ano ang motibo ng pagpatay at isinaalang-alang naman nila ang lahat ng anggulo.

Nangako naman ito na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para mapanagot ang salarin kahit pa nangangahulugan ito ng walang tulugan.