-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mayroon ng person of interest ang Naguillian Police Station sa pagpatay sa isang ginang na natagpuan ang bangkay sa isang maisan sa Quinalabasa, Naguilian, Isabela.

Ang biktima ay si Josie Bonifacio, 40-anyos, may-asawa at residente ng Quirino, Naguilian, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng Naguilian Police Station nagtamo ang biktima ng laslas sa leeg at magkabilang pulso, nakitaan din ng malubhang sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan.

Ayon sa Naguilian Police Station, posibleng ang pinaghihinalaan ay ang tsuper ng tricycle na sinakyan ng biktima na isinasailalim na interrogation.

Napag-alaman din ng pulisya na nagpapautang ang biktima at mayroong utang ang pinaghihinalaan sa kanya.

Sa imbestigasyon ng PNP Naguilian, umalis ang biktima sa kanilang bahay noong Lunes, August 8 upang magpatingin sa kanyang doktor sa isang pagamutan sa Cauayan City ngunit hindi na nakauwi kaya iniulat ng kanyang mister na nawawala ang misis hanggang sa matagpuan ang kanyang bangkay .

Kasalukuyan na rin ang pangangalap ng pulisya ng mga karagdagang ebedensya at mga kuhang CCTV kasama na ang mga hawak na circumstantial evidences upang mapatunayan kung may kinalaman ang suspek sa pagkamatay ni Bonifacio.

Samantala, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng test sa Forensic Unit upang malaman kung hinalay ang biktima bago pinatay.