BUTUAN CITY – Mahigpit ang koordinasyon ngayon ng Surigao del Norte Police Provincial Office sa 901st Brigade, Philippine Army sa nagpapatuloy na hot pursuit operation para sa pulis na dinukot ng pinaniniwalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kaninang umaga sa Purok 1, Brgy. San Isidro, sa bayan ng Sison ng naturang lalawigan.
Ayon kay PMaj. Renel Serrano, information officer ng Police Regional Office (PRO)-13 sa ekskluksibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, ang pagdukot kay PSSgt. Restie Dandan, 42-anyos, residente ng Purok 5-A Brgy. San Isidro at hepe sa Intelligence Section ng Sison Municipal Police Station ay desperadong hakbang ng NPA.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na patungo na sana sa kanyang trabaho si Dandan, nang harangan ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isang grupo ng mga rebelde.
Ayon sa mga nakasaksi may blocking force din ang mga rebelde na sya umanong naka-antabay kung may mga kasamahan ang biktimang liligtas sana sa kanya.