-- Advertisements --

BAYAWAN CITY – Nasa-full alert status na ang tauhan ng pulisya simula pa noong Marso 6 para sa pagsisimula ng Central Visayas Regional Athletic Association (CVIRAA) meet sa susunod na linggo sa Bayawan City Negros Oriental.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Joeson Parallag, Chief of Police ng Bayawan City Police station, sinabi nitong inaasahan nila ang pagdating ng humigit-kumulang 13,000 atleta, coaches, trainers, at chaperones mula sa 20 schools division ng rehiyon.

Sinabi pa ni Parallag na halos 400 police personnel ang kanilang ipapakalat sa mga playing venues at billeting quarters na una nang nagkaroon ng initial deployment ngunit madadagdagan pa umano ito ng tauhan mula sa iba pang law enforcement agencies.

Ilang araw bago pa man ang regional sporting competition, nagsagawa pa aniya sila ng anti-criminality operations upang masiguro ang kaligtasan ng mga atleta at iba pang bisita.

Aniya, posible pang mayroong pickpocketing at salisi kaya patuloy ang kanilang isinagawa sa parehong anti-criminality at COMELEC checkpoint operations.

Dagdag pa nito na kasunod ng isang banal na misa ngayong Sabado ng hapon, Marso 8, magsasagawa ng send-off ceremony para sa tauhan ng pulisya at iba pang law enforcement agencies bilang senyales ng full deployment.

Matapos nito, isasagawa ang simulation exercise upang subukan ang kakayahan ng kanilang mga tauhan sa anumang posibleng mangyari.

Hinikayat din nito ang publiko na i-download ang One Button app upang mapabilis ang kanilang pagresponde sa anumang usapin sa seguridad.