Pinag-ibayo ang paghahanap ngayon ng mga tracker team ng PNP sa mga suspek na nangholdap sa isang hotel sa Pasay City at nakatangay ng P4 million na cash at mga kagamitan.
Target din ngayon ang isa sa sa apat na mga suspek na tukoy na raw ang pagkakakilanlan.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director C/Supt. Tomas Apolinario ang isa sa apat na suspek na si Daniel Constantino na tubong Molo, Iloilo City.
Nabatid na umano’y miyembro nang tinaguriang Tir-Tir gang at Ilonggo group na sangkot sa mga carnapping incidents sa Pasay si Constantino.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Gen. Apolinario kaniyang sinabi na hindi pa nila masabi o ma-conclude na Ilonggo group nga ang nasa likod sa panghoholdap sa Mabuhay Manor Hotel sa Pasay.
Aniya, batay sa kanilang imbestigasyon na dalawa sa apat na suspek ay mga Ilonggo speaking.
Giit ng heneral, nagpapatuloy pa ang mabusising imbestigasyon kaugnay sa nasabing kaso.
Dagdag pa ni Apolinario, gumagalaw na ang mga tracker teams sa pagtunton sa kinaroroonan ng suspeks.
“May identified lang na dalawa na Ilonggo. Continous investigation of the case pa and tracker team on the location of the suspects,” mensahe pa ni Apolinario.
Sinasabing ang suspek na si Constantino ay gumagamit ng mga pangalang Daniel Constantino, Dave Constantino, Anthony Herrera at Tonee.
Nakilala ito dahil sa kuha ng CCTV ng Manor Hotel kung saan nakita na siya lamang ang bukod tangi sa apat na holdaper na walang takip ang mukha.
Isang kakilala rin ng suspek ang nagbigay sa pulisya ng impormasyon ukol kay alyas Constantino at nag-ambag pa ng mga litrato galing sa Facebook account nito na naihambing sa kuha ng CCTV.
Nagpa-ayuda na rin si Apolinario sa netizens para ipakalat ang mukha ng suspek sa social media upang matunton ito.
Ayon sa heneral, malaking tulong ang social media sa paghahanap lalo na sa mga wanted persons.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde, sinabi rin nito na kanila pang iniimbestigahan ang kaso.
Sa ngayon hindi pa masabi ng PNP kung Ilonggo group ang nasa likod sa panghoholdap sa isang hotel sa Pasay.
“Walang sinabi na Ilonggo group sila,” pahayag pa ni Gen. Albayalde sa Bombo Radyo.