Patuloy ngayong biniberipika ng pulisya sa Bohol ang impormasyon na umano’y may 4-5 Chinese nationals ang nakapasok sa lalawigan matapos tumakas sa kamakailang sinalakay na Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO) hub sa Cebu.
Inihayag ni Bohol Police Provincial Office spokesperson PLt Col Norman Nuez na naglabas na ng direktiba para sa lahat ng intelligence officer sa bawat police station na suriin ang mga resort o mga lugar na posibleng pagtaguan.
Gayunpaman, paglilinaw ni Nuez na sa ngayon ay wala naman umanong nakikitang nag-ooperate na POGO sa lalawigan.
Ibinunyag pa nito na kasunod ng pagsalakay sa POGO hub sa lungsod ng Lapu-Lapu ay inalerto ang intelligence community sa pagmonitor sa lahat ng mga probinsya dahil baka lumipat o magkaroon ng spillover operation ang mga ito.
Noong nakaraang linggo lang din umano ay nagpatawag ng emergency conference at inatasan ang mga hepe na mahigpit na i-monitor ang kani-kanilang areas of responsibility kung mayroon bang indikasyon sa posibleng POGO operations.
Partikular na tinukoy nito ang galaw at laging pagdating ng mga foreign nationals, pangangailangan ng isang area ng malakas na internet connections at saradong establisyemento.
Hinimok naman nito ang publiko na ireport sa kanilang barangay o sa malapit na himpilan ng pulisya kapag may kahalintulad at kaduda-duda sa kanilang lugar.