-- Advertisements --

Matapos napatay sa police operation si Alex Mayagma, ang Top 1 most wanted person sa Central Visayas, nangako ang pulisya na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa natitirang mga miyembro ng private armed groups sa Negros Oriental.

Inihayag ni Negros Oriental Police Provincial Office Acting Director PCol Ronan Claravall na ang pagkamatay ni Mayagma na umano’y hitman doon ay magbigay-daan sa pagbagsak ng grupo at nangangahulugan din umano ito na ‘one-step closer’ para makamit ang ligtas at mapayapang komunidad.

Sinabi pa ni Claravall na bago pa man siya ma-assign sa Negros Oriental, hinahanap na ng mga pulis at militar si Mayagma matapos na ilang beses na lumabas ang pangalan nito sa imbestigasyon ng Senado sa pagpaslang kay Gov. Roel Degamo noong Marso 4.

Dagdag pa, nagkawatak-watak na umano ang grupo at karamihan pa sa kanila ay nagtatago at lumipat sa ibang probinsya.

Samantala, humiling naman ito sa publiko na tulungan sila para panatilihing tahimik at maging matiwasay ang lalawigan.