Naniniwala si House Speaker Martin Romualdez na ang pulong ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga proponent ng nuclear energy sa Amerika ay daan para makamit ng bansa ang sapat, maaasahan at murang singil sa kuryente.
Sinabi ni Speaker Romualdez, ang pulong ni Pang. Marcos kasama ang Ultra Safe Nuclear Corporation o USNC ay ginanap bago ganapin ang makasaysayang trilateral meeting kina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Washington DC.
Follow up meeting ito sa nauna nang pulong ni Pangulong Marcos sa USNC sa sidelines ng APEC Summit sa San Francisco noong November 2023.
Nagresulta ito ng kasunduan ng USNC sa Meralco para sa deployment ng Micro Modular Reactors sa Pilipinas.
Ayon kay Romualdez, sa data ng Department of Energy, 96 percent ng buong bansa ay may serbisyo na ng kuryente.
Pero sabi ni Romualdez, marami pa rin island communities sa bansa ang sine-serbisyuhan ng fuel-fired power generation facilities kaya nararanasan ang madalas na rotational brownouts.
Umaasa din ang House Speaker na kung matutuloy ang layunin ng kasunduan, maibaba ang mataas na singil ng serbisyo ng kuryente sa bansa.