Pumalo na sa 55 na mga patay na baboy ang narerekober mula sa Marikina river.
Ang nasabing datos ay mula sa Marikina LGU.
Puspusan na ang ginagawang pagtutok ng Pamahalaang Lungsod sa mga namatay na baboy na inaanod sa Ilog ng nasabing lungsod.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, inatasan na niya ang kanilang City Veterenary Services Office na agad ilibing ang mga nakukuhang patay na baboy sa ilog upang hindi na maging sanhi ng sakit at kontaminasyon.
Sinabi ni Teodoro ang mga patay na baboy ay narekober sa Brgy. Nangka habang labing apat sa bahagi ng Brgy. Tumana.
Nasa ilog na rin ang mga kinatawan ng BAI o Bureau of Animal Industries para kumuha ng samples ng mga baboy para malaman kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito kabilang na ang ASF o African Swine Fever.
Ayon naman kay Dr. Manuel Carlos, Chief ng Marikina Veterenary Services Office, tatagal ng ilang araw bago malaman ang resulta ng isinagawang pagsusuri.
Siniguro naman ni Mayor Teodoro na may mananagot sa insidente lalo na at walang babuyan sa Marikina.