-- Advertisements --
necro albano house 1

Binigyan pugay ng Kamara ang pumanaw na si LPGMA party-list Rep. Rodolfo Albano Jr.

Isang misa at necrological service ang inihanda ng Kamara para kay Albano sa pangunguna ni Speaker Alan Peter Cayetano.

Dumalo rin dito sina Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Bienvenido Abante Jr. at iba pang mga kongresista ngayong 18th Congress.

Nag-alay din ng tribute sa namayapang beteranong mambabatas ang ilan sa mga nakatrabaho at malalapit na kaibigan nito na sina dating Speakers Jose De Venecia, Sonny Belmonte at Gloria Macapagal Arroyo, dating Executive Sec. Eduardo Ermita, at dating Sen. Ferdinand “Bongbonb” Marcos.

Sa kanyang eulogy, inalala ni De Venecia ang samahan nila ni Albano mula 7th Congress hanggang 9th Congress.

Sinabi ni De Venecia na nakilala niya si Albano bilang isang matalino, masipag at mapagkumbabang tao.

Ang mga katangian na ito ni Albano, ayon kay De Venecia, ang tumulong dito bilang majority leader sa pagsusulong ng mga makabuluhan na batas.

Ibinida ni De Venecia na noong siya ang speaker siya ng 9th Congress ay naipasa nila sa tulong na rin ni Albano ang 298 na mga batas kabilang na ang pagbuo ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), Build-Operate-Transport Law, formula sa Private-Public Partnership, at Military Bases Conversion Law.

Labis naman ang pasasalamat ni Ermita sa namayapang kongresista dahil nagsilbi aniya ito bilang kanyang mentor nang baguhan pa lamang siya sa Kongreso noong 9th Congress.

Tumatak na aniya sa kanya ang sipag at dedikasyon sa trabaho ni Albano, gayundin ang efficient management at supervision nito sa mga deliberasyon sa Kamara.

Sa pagpanaw ni Albano, iginiit ni Ermita na hindi makakalimutan ang kalidad pati na rin ang mga batas na isinulong at naipasa nito para sa ikakaunlad ng bansa at buhay ng sambayanang Pilipino.

Pumanaw si Albano noong Martes sa edad na 85-anyos dahil sa heart failure.