ILOILO CITY – Pansamantalang pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag ang mga bangka na may biyaheng Iloilo-Guimaras at vice-versa.
Ito ay isang linggo matapos ang nangyaring trahedya sa Iloilo Strait na ikinamatay ng 31 katao.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Capt. Erlinda Benliro, station commander ng PCG-Iloilo, sinabi nito na pinahintulutan nilang makapaglayag ang mga pumpboat ngunit ang mga crew lamang ang maaaring sumakay at hindi ang mga pasahero.
Ayon kay Benliro, ito ay upang makauwi ang mga tripulante sa Guimaras matapos halos isang linggo rin na na-stranded sa Iloilo.
Ngunit, nilinaw ni Benliro na kahit binawi na ang gale warning, may inilabas ang Maritime Industry Authority (MARINA) na memorandum kung saan suspendido pa rin ang pagbiyahe ng mga passenger pumpboats.
Ani Benliro, mananatili ang suspensyon hanggang sa mabigyan ng kaukulang pansin ng MARINA ang safety concerns ng mga motorbanca.
Sa ngayon, mga roro vessels at fastcraft lang ang pinapayagan na magbyahe lulan ang mga pasahero mula Iloilo-Guimaras vice versa.