CEBU CITY – Nasa kritikal na kalagayan pa rin hanggang ngayon ang isang pumpboy na binaril ng isang security guard dahil sa umano’y umutot ito sa isang gasoline station ng Sitio Kambarong, Brgy. Maghaway, Guindulman, Bohol.
Kinilala ang biktima na si Marvin Bala-uro, 18, residente ng Brgy. Talisay, Anda, Bohol habang ang suspect ay kinilalang si Jonathan Perucho, 29, residente ng Brgy. San Miguel, Dagohoy ng nasabing bayan.
Ayon kay Capt. Jerry Leones ang hepe ng Guindolan Police Station na panay umano ang pag-utot ng biktima kaya sinita ng gwardiya na tigilan na.
Nagalit umano ang biktima at sinabing ‘di dapat umasta na kung sino si Perucho dahil hindi dayo lang umano ito sa lugar.
Dahil dito nagalit ang gwardiya at sinabing babarilin niya si Bala-uro.
Hinamon naman ni Bala-uro si Perucho na subukan siyang barilin kaya naman walang pag-aatubiling binaril ng gwardiya si Balauro gamit ang shot gun kung saan tinamaan ito sa dibdib.
Humihinga pa ang biktima nang madala sa pagamutan ngunit 50-50 ito ngayon dahil may balang dumikit sa atay nito.
Nakadetine na ngayon sa Guindolan PS ang suspect at ayon sa hepe ay hindi umano nagsisisi sa kanyang nagawa.