-- Advertisements --
BUILD BUILD DOTR

TAGAYTAY CITY – Binuweltahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang puna ni Sen. Franklin Drilon na mabagal ang implementasyon ng Build, Build, Build Program ng Duterte administration.

Sa interview kay Cayetano matapos na dumalo sa top level management meeting ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa Tagaytay City, sinabi ni Cayetano na nililinlang lamang ng senador ang publiko matapos sabihing bigo ang Build, Build, Build Program ng pamahalaan sapagkat hindi aniya nagpapabaya ang pamahalaan sa mga infrastructure projects nito.

“Ang tinignan kasi ng Senado ang flagship programs alone and then tinignan lang nila kung ano ang naumpisahan at anong hindi,” ani Caytano.

Kung ikumpara aniya sa mga nagdaang administrasyon, sinabi ng lider ng Kamara na hindi hamak mas maraming nagawa ang Duterte administration sa ilalim ng Build, Build, Build Program nito.

Isa na nga aniya rito ang 36 na kilometrong subway project, na siyang pinaka-unang mass underground transport system sa Pilipinas, na magkokonekta ng North Caloocan, Bulacan at Dasmariñas, Cavite sa National Capital Region.

Bukod dito, tinukoy din ni Cayetano ang sitwasyon sa pampubliko at pribadong sektor kung saan kulang na aniya ang nakukuhang mga empleyado.

“So I am confident of the Build Build Build program. Ang problema nga you can’t build overnight, but this year, next year, and in the last year of the President on 2022, makikita niyo ang resulta ng Build Build Build,” dagdag pa nito.

Una na ring umalma si Presidential Spokesman Salvador Panelo, at sinabing walang basehan ang binanggit ni Drilon at sa katunayan ay hindi na mabilang ang mga proyektong nagpapatuloy ngayong ginagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Sec. Panelo, kabilang na umano rito ang ilang mga airports, highways, tulay, public buildings at railways na malaking tulong sa mga commuters kung makompleto ang naturang mga proyekto.

Iginiit ni Sec. Panelo na malayong-malayo umano ito sa anim na taong panunungkulan noon ng Aquino administration na wala kahit isang infrastructure naipatayo.

Pinayuhan pa ni Sec. Panelo si Sen. Drilon na i-check ang mga pinagkukunan ng data kaugnay sa mga infrastructure projects ng Duterte administration.