-- Advertisements --
image 228

Kasunod ng paglulunsad ng revised K to 10 curriculum, inaasahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang pag-angat sa kakayahan o performance ng mga mag-aaral, lalo na pagdating sa foundational skills tulad ng literacy at numeracy.

Matatandaang batay sa pagrepaso ng K to 12 curriculum, lumalabas na naging hadlang sa pagkatuto ng mga mag-aaral ang dami ng kailangan nilang pag-aralan.

Ayon sa kagawaran ng edukasyon, maglalaan na ngayon ng mas maraming oras sa pagtuturo ng mathematics, science, pagbasa, at values formation.

Bagama’t inaasahan ang pagpapatupad ng bagong curriculum sa School Year 2024-2025, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng sapat na paghahanda at pagsasanay para sa mga guro.

Nanindigan din si Gatchalian na ipagpapatuloy ng Senado ang pagsusuri sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533), lalo na’t nananatili ang mga hamong kailangang tugunan.

Kasalukuyan ding nirerepaso ng DepEd ang senior high school program. Ang kagawaran ay bumuo ng task force na nakatakdang magbigay ng kanilang rekomendasyon sa Mayo 2024.
Top