BACOLOD CITY – Nahaharap sa ilang kaso ang isang punong barangay sa bayan ng Isabela dito sa lalawigan ng Negros Occidental matapos makitaan ng ebidensya na tumanggap umano ito ng financial assistance mula sa gobyerno sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, si Punong Barangay Ma. Luz Ferrer ng Barangay 8, Isabela ay kinasuhan ng paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code o falsification by public officer, employee or notary or ecclesiastic minister.
Kinasuhan din ito ng paglapbag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act matapos tumanggap umano ng P6,000 na ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Negros Occidental Police Provincial Office director Police Col. Romeo Baleros, inimbestigahan ang barangay official matapos makatanggap ng reklamo na may iregularidad sa SAP distribution sa lugar.
Dahil nakitaan ng ebidensya laban kay Ferrer, tuluyan nang isinampa ang kaso.
Maliban sa punong barangay, kinasuhan din ang DSWD officer ng Isabela at isa pang indibidwal sa Barangay 8, Isabela.