LEGAZPI CITY – Target ng barangay officials ng Brgy. Puro sa lungsod ng Legazpi na mapaabutan ng tulong ang lahat ng kabahayan sa kasasakupan na apektado ng enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Nicasio Barrios Jr., iginiit nitong walang pinili sa papaabutan ng relief at pantay-pantay ang lahat, mahirap man o mayaman, gayundin ang mga nagrerenta sa lugar.
Nasa proseso na umano ng repacking ng relief items na ipapamahagi sa mga residente.
Nabatid na bigas muna ang ipapamigay na mula sa tanggapan ng Albay 2nd Congressional District habang hinihintay pa ang tulong mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Ayon kay Barrios, 1, 375 na kabahayan ang inaasahang mabibigyan ng tig-apat na kilong bigas gayundin ang mula sa lungsod na karagdagang bigas, de lata, noodles at kape.
Upang maiwasan naman ang siksikan, magpapalabas ng access cards ang barangay o ide-deliver na lamang sa laban ng bahay ang relief packs.
Nilinaw naman ng opisyal ang unang lumabas na mga reklamo sa umanoy pagpili lamang sa mga binibigyan ng tulong.