CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng punong guro ng Cauayan City National High School Marabulig Extension ang mga reklamo tungkol sa kanilang paaralan kaugnay sa late na pagbubukas ng kanilang paaralan sa tanghali at sa kanilang school canteen.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Principal Vilma Corpuz na hindi totoo na hindi sila maagang nagbubukas ng gate sa tanghali dahil 11:30 ay nagbubukas na sila.
May itinalaga aniya silang magbubukas ng kanilang gate dahil wala silang guwardiya kapag 11:30 ng tanghali.
Aniya, ang mga pwede lang na lumabas ay ang mga estudyante na nakatira lang sa paligid ng paaralan at ang mga estuydante na sinusundo ng kanilang mga magulang.
Alam naman ng mga magulang ang close gate policy dahil noong nakaraang taon pa ito naipatupad sa kanilang paaralan.
Nagbibigay din sila ng parents’ waiver para sa mga estudyante na nagnanais lumabas at pumupunta sa kanilang paaralan ang kanilang mga magulang para kunin ito.
Nagkaroon na rin sila ng pagpupulong noong nakaraang linggo at napag-usapan ang tungkol sa close gate policy.
Napag-usapan na magkakaroon ang mga estudyante ng ID at ang mga lalabas ay kukunin ang kanilang ID at kapag babalik ay saka lamang ito ibabalik.
May mga estudyante aniya na umaalis at hindi na bumabalik at sa pamamagitan ng panuntunang ito ay malalaman nila kung sino ang mga hindi na bumabalik at maipapaalam nila sa kanilang mga magulang.
Sinabi pa ng punong guro na hindi totoo na ang mga guro sa kanilang paaralan ang nagtitinda sa kanilang canteen dahil karagdagan ito sa kanilang trabaho.
Mayroon aniya silang canteneers na nagtitinda sa kanilang canteen.
Katunayan, noong nakaraang linggo ay nagkaroon sila ng pagpupulong kaugnay sa mga kailangang sundin sa paghawak ng canteen sa isang paaralan.
Payo niya sa mga magulang na dumalo sa mga isinasagawa nilang pagpupulong para malaman ang mga proyekto at plano sa paaralan.