Inanunsiyo ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na nilagdaan na niya ang isang bagong administrative order (AO) ng ahensiya para tanggalin ang pangangailangan ng purchase booklet para sa mga senior citizen na gagamit ng kanilang diskwento sa mga gamot, kasunod ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Tinatanggal ng DOH AO No. 2024-0017 ang pangangailangan para sa mga senior citizen na magpakita ng purchase booklet sa mga botika, na dati’y kasama ng valid ID at reseta ng doktor, upang makakuha ng diskwento.
Ayon sa kalihim, bilang isa ring senior citizen, batid niyang mahirap ang laging pagdadala ng purchase booklet. Saad pa ng opisyal na kailangan ng mga nakatatanda ang diskwento sa kanilang mga gamot, at dapat madali itong makuha.
Inihayag naman ng kalihim na ang naturang hakbang ay bilang regalo na rin ngayong Pasko para sa kaginhawaan at mas abot-kayang mga gamot para sa lahat ng senior citizen.