-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Dumulog sa Butuan City Police Station 4, ang isang benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) matapos umanong pagbantaan ng kanilang purok president nang hindi niya ito binigyan sa kanyang hininging porsiento sa natanggap niyang cash aid para sana sa snacks nito.

Ayon sa reklamanteng si Nica Auman, residente ng Purok 7, Brgy. Cabcabon nitong lungsod ng Butuan, pinangalandakan umano ni Adela Pelepog ang hindi niya pagbigay sa hiningi nito na hindi kagaya noong ibang nabigyan kung kaya’t sinumbatan niya ito na syang ikinagalit ng opisyal at hinampas siya sa dala nitong papel.

Hindi pa umano nakuntento ang suspek at pinagbantaan pa siyang ipapapatay sa mga anak nito sanhi ng kanyang pagpapa-blotter.

Samantala pinabulaanan naman ito ni Pelepog sabay sabing nagalit lamang sa kanya si Auman dahil hindi naibigay ang cash aid sa kanyang live-in partner sa kabila na tumanggap naman ng kagayang halaga ang live-in partner naman ng kanyang kapatid.