-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Isinailalim na sa lockdown ang Purok 7 ng Brgy. San Andres, Sto. Domingo, Albay matapos makapagtala ang bayan ng pinakaunang kaso ng coronavirus disease.

Sinimulan ang naturang hakbang nitong Biyernes at magtatagal hanggang hindi pa natatapos ang contact tracing.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sto. Domingo MDRRMO head Engr. Ed Balidoy, nasa 90 hanggang 100 na pamilya ang apektado nito na bantay-sarado para hindi magsilabasan.

Magbibigay lang ng exceptions sa mga emergency situations habang pwede naman na iutos sa mga barangay officials ang mga ipapabiling importante sa palengke.

Ipinagbabawal naman ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa buong barangay.

Napag-alaman na may dati nang karamdaman ang COVID-positive na senior citizen kaya pabalik-balik sa ospital para magpagamot, ayun kay Balidoy.

Hindi naman aniya ito kasama sa mga locally stranded individual.

Tiniyak naman ni Balidoy ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado.