KALIBO, Aklan –Matapos alisin ang ipinatupad na enhanced community quarantine sa Barangay Balabag at surgical lockdown sa 2 purok sa Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay, isinailalim naman ngayon sa dalawang linggong surgical lockdown ang Purok 1 ng Barangay Yapak epektibo kaninang madaling araw.
Ayon kay punong barangay Hector Casidsid, tatagal ang lockdown hanggang Abril 28, 2021, subalit maaring mapaikli pa ito depende sa magiging resulta ng swab test ng mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
Halos sampung pamilya aniya ang nagkaroon ng positibong kaso sa naturang lugar kaya’t minabuti nilang huwang munang palabasin ang mga residente.
Wala naman umanong mga hotel at resorts ang apektado dahil residential area ang lugar.
Dagdag pa ni Casidsid na nagsasagawa sila ngayon ng mahigpit na health protocols, agresibong contact tracing, testing at isolation para mapigilan ang pagkalat ng deadly virus.
Pinaiiral pa rin ang curfew mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Sa pinakahuling case bulletin ng Malay Inter-Agency Task Force, mayroong kabuuang 195 na kaso ng COVID-19 ang bayan ng Malay, kung saan 49 ang aktibong kaso.