-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang damage assessment ng lokal na pamahalaan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat sa iilang mga barangay sa naturang bayan matapos sinalanta ng landslide at flashlood bunsod ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bagumbayan Mayor Jonalette de Pedro, inihayag nitong labis na naapektuhan ng pagbaha ang Barangay Poblacion kung saan ang buong Purok Sarmiento ay bahagyang nalubog sa tubig-baha.

Maliban dito, naitala rin ang pagguho ng lupa sa Barangay Titolok at Barangay Chua kung saan inilikas ang mga apektadong pamilya, bagama’t may iilan nang unti-unting bumabalik.

Ayon kay Mayor de Pedro, patuloy ang pagbibigay nila ng ayuda sa mga naapektohan ng mga kalamidad habang inaalam ang kabuuang pinsalang dulot ng mga ito.