NAGA CITY – Nagpapatuloy pa ang hot pursuit operations ng 203rd Brigade Army at PNP Mimaropa sa mga nakatakas na miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring engkuwentro sa Sitio Mantay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 2nd Infantry Division, Philippine Army, napag-alamang tinatayang 20 miyembro ng pinaniniwalaang rebeldeng grupo ang nakasagupa ng tropa sa nasabing lugar.
Sa pahayag ni Col. Alexander Arbolado, commanding officer ng 4th Infantry Battalion na umabot ng halos 10 minuto ang palitan ng putok.
Wala naman umanong naitalang casualty sa tropa ng gobyerno habang malaki ang paniniwala ng mga sundalo na may nasaktan aniya bahagi ng rebelde dahil sa mga bakas ng dugo na naiwan sa lugar na pinangyarihan ng engkuwentro.