-- Advertisements --

Nagpaabot na rin ng pagbati si Russian President Vladimir Putin kay US President-elect Donald Trump sa pagkapanalo niya sa katatapos na 2024 US Presidential elections.

Sa plenary session ng Valdai International Discussion club sa Sochi, Russia, muling binigyang diin ni Putin na handa itong makipag-trabaho sa sinumang head of state na pinagkakatiwalaan ng mga mamamayan ng Amerika.

Humanga din si Putin sa ugali ni Trump matapos ang 2 assassination attempts sa kaniyang buhay habang nangangampaniya at pinuri bilang isang ‘courageous man’.

Nakahanda naman ang Russian leader na magkaroon ng mga diskusyon kasama si Trump gayundin sinabi ni Putin na deserve na mabigyan ng atensiyon ang claim ni Trump na makakatulong ito para mawaksan ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Maaalala nga na sa kampaniya ni Trump, paulit-ulit nitong sinabi na kaya niyang waksan ang giyera sa loob ng isang araw subalit hindi idinetalye kung paano niya ito maisasakatuparan.