-- Advertisements --

Inilatag ni Russian President Vladimir Putin ang serye ng mga kondisyon para sa ceasefire o tigil-putukan sa Ukraine-Russia war.

Ito ay matapos niyang sabihin na sinusuportahan nila ang ideya ng ceasefire sa Ukraine, bilang tugon sa 30 araw na planong tigil-putukan na naunang pinaburan ng Ukraine kasunod ng pakikipag-usap nito sa Amerika.

Ilan sa mga kondisyon ni Putin bago pumayag sa isang buwang ceasefire ay dapat kilalanin muna ng Ukraine ang annexation ng Russia sa Crimea at 4 na rehiyong inangkin nito bilang annex kabilang ang Donetsk, Kherson, Luhansk at Zaporizhzhia oblasts.

Gayundin ang pag-atras ng mga tropa ng Ukraine sa mga lupaing inaangkin ng Russia at mangakong hindi ito aanib sa North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Agad naman binatikos ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang napakaraming inilatag na preconditions ng Russian President. Naniniwala si Zelensky na ang lahat ng ito ay panibagong manipulasyon ng Russia.

Inakusahan din ni Zelensky si Putin na takot umano itong aminin kay US President Donald Trump na tutol siya sa ceasefire at papatayin umano ang mas marami pang Ukrainians.