Iginiit ni Russian President Vladimir Putin na nagkakamali umano si Elton John sa LGBT rights sa Russia, habang pinuri naman nito ang British singer bilang isang musical genius.
Una rito, sinabi ni Elton John na dismayado raw ito sa pahayag ni Putin na “obsolete” na ang liberal values at inayawan na raw ng karamihan sa mga naninirahan sa bansang Kanluranin.
Inakusahan din nito si Putin ng pagiging ipokrito sa pagsasabing nais daw nitong maging masaya ang mga LGBT people.
Ito’y matapos na mapaulat na censored daw sa Russia ang ilang mga gay scenes sa pelikulang “Rocketman” na hango sa buhay ni Elton John.
“I have a lot of respect for him, he is a genius musician, we all enjoy his music, but I think he is mistaken,” wika ni Putin.
Sinabi pa ni Putin, mayroon daw na “relaxed and unprejudiced” na pakikitungo ang Russian authorities sa mga miyembro ng LGBT.
Gayunman, ayon kay Putin, ang mga desisyon tungkol sa gender identity ay pupuwede lamang gawin ng mga matatanda.
Sang-ayon sa batas sa Russia, ipinagbabawal umano ang pagpapalaganap ng homosexuality sa mga menor de edad. (Reuters)