Nag-alok ng tulong si Russian President Vladimir Putin sa North Korea upang magkaroon ng kasunduan ukol sa nuclear programme nito sa Pyongyang.
Ito ay isa lamang sa tila magandang pangyayari mula sa kauna-unahang summit ng dalawang pinuno na ginaganap ngayon sa Vladivostok, Russia.
Naging maganda ang unang pagkikita ng dalawa kung saan nagkamayan ang mga ito at nagpalitan ng papuri sa isa’t isa.
Ayon kay Putin, sinusuportahan umano niya si North Korean Leader Kim Jong Un sa pagsusumikap nitong gawing normal ang relasyon sa pagitan ng North Korea at US. Umaasa rin daw ito na magiging malinaw ang papel ng Russia sa pagpapasigla ng nahintong negosasyon ng Washington at Pyongyang.
Kaugnay ito ng hindi matagumpay na pagtatapos ng summit nina US President Donald Trump at Kim sa Hanoi noong Pebrero.
Bukod sa bilateral relations ng dalawang bansa, inaasahan din na pag-uusapan nina Kim at Putin ang tungkol sa kapalaran ng halos 10,000 North Korean na kasalukuyang naghahanap-buhay sa Russia na pinatawan ng sanctions.