Nakatakdang magkita bukas sina North Korean Leader Kim Jong Un at Russian President Vladimir Putin upang pag-usapan umano ang nuclear program sa Korean Peninsula.
Ang pagbisita raw na ito ay parte ng pagsusumikap ni Kim na humakot ng suporta matapos hindi maging matagumpay ang pakikipagpulong nito kay US President Donald Trump sa Vietnam noong Pebrero.
Ito ay kaugnay pa rin sa hindi pagpayag ni Trump na tuluyang tanggalin ang sanction sa North Korea.
Magsisilbi itong kauna-unahang summit sa pagitan nina Kim at Putin. Maaari rin umano na pag-uusapan ng dalawang pinuno ang tungkol sa nuclear row at paano reresolbahin ito.
Ngunit may limitasyon lang daw ang tulong na kayang ibigay ng Russia sa North Korea.
Ayon sa Korean Central News Agency, nakaalis na si Kim sa North Korea ngayong araw sakay ng kanyang pribadong tren na kanya ring ginamit noon papuntang Hanoi.
Sasamahan si Kim nina Foreign Minister Ri Yong Ho at First Vice Foreign Minister Choe Son Hui.
Ilang taon na rin hinihikayat ng Russia ang North Korea na tuluyan nang isuko ang kanilang nuclear program. Minsan na rin itong nakiisa sa ‘six-part talks’ kasama ang North at South Korea, Japan, United States at China na huling ginawa noong 2009.