-- Advertisements --

Naniniwala ang White House na nililigaw ng mga advisers si Russian President Vladimir Putin na natatakot na ibunyag kung gaano kalala ang giyerang nangyayari sa Ukraine.

Ayon kay White House spokesperson Kate Bedingfield nakatanggap umano ang US ng impormasyon na pakiramdam ni Putin na inililigaw siya ng Russian military bunsod ng patuloy na tensiyon sa pagitan nito at ng kaniyang military leadership.

Hindi rin aniya sinasabi kay Putin ang full impact ng sanctions sa ekonomiya ng Russia.

Habang ayon naman sa British intelligence ang Russian troops sa Ukraine ay na-demoralise na, kapos sa mga kagamitang pandigma at tumangging sumunod sa order ni Putin.

Wala pa namang inilalabas na komento sa ngayon ang Kremlin hinggil sa assessment ng Amerika.

Samantala, sinimulan na rin ng Ukrainian forces na bawiin ang mga lugar sa kanilang teritoryo na nasa kontrol ng Russia kasabay ng pangakong pagbabawas ng Moscow sa military operations nito sa malalaking kabisera ng Kyiv at Chernihiv.