Inihayag ni Russian President Vladimir Putin habang nakangisi na susuportahan ng Russia ang kandidatura ni Democratic nominee VP Kamala Harris sa nalalapit na US presidential election sa Nobiyembre.
Ginawa ni Putin ang pahayag sa idinaos na economic forum sa Far Eastern city ng Vladivostok nitong Huwebes, ilang oras ang nakakalipas matapos patawan ng sanctions at criminal charges ng US Justice Department ang 2 Russian media executives kaugnay sa umano’y pagtatangkang manipulahin o impluwensiyahan ang halalan sa Amerika gamit ang pro-Russian propaganda.
Sa naturang forum natanong ang Russian president kaugnay sa nalalapit na US election, dito sinabi niya nang nakangisi na ang kanilang paboritong manalo ay ang kasalukuyang pangulo ng Amerika na si President Joe Biden subalit dahil sa umatras na siya sa halalan at inirekomenda sa lahat ng kaniyang supporter na suportahan si Harris, ganito din aniya ang kanilang gagawin, susuportahan din umano nila si Harris.
Dagdag pa ni Putin na ang pinakamahalaga ay ang pipiliin ng mamamayan ng Amerika at hindi kung ano ang iniisip o sinusuportahan ng Russia.
Pabiro pang sinabi ng Russian leader na may expressive at infectious laugh o nakakahawang tawa si VP Kamala Harris na nangangahulugang maganda ang kaniyang ginagawa at hindi aniya magpapataw ng karagdagan pang sanctions sa Russia.
Matatandaan na bago pa mag-withdraw si Biden mula sa presidential race, nauna ng sinabi ni Putin sa unang bahagi ng taon na mas gusto niya si Biden kesa kay dating US President Donald Trump dahil mas predictable at old school politician ito.
Subalit naniniwala naman ang US Intelligence agencies na nais talaga ng Russia na manalo si Trump dahil less committed umano ito sa pagsuporta sa Ukraine sa giyera nito laban sa Russia.