-- Advertisements --

MOSCOW – Sinuspinde na ni President Vladimir Putin ang patrisipasyon ng Russia sa isang Cold War-era arms treaty sa pagitan nila ng Estados Unidos.

Una nang kumalas noong nakalipas na taon ang Washington sa Intermediate-Range Nuclear Forces (INF) Treaty, na nilagdaan ng USSR at Estados Unidos noong 1987.

Sa pahayag ng Kremlin, ginawa raw ang hakbang kasunod ng umano’y paglabag ng Estados Unidos sa kanilang obligasyon sa ilalim ng tratado.

Magugunitang nagbatuhan ng akusasyon ang Moscow at Washington ukol sa pagsuway sa nasabing nuclear pact.

Nitong Pebrero nang sabihin ni US President Donald Trump na sisimulan umano nila ang proseso sa pag-atras sa kasunduan sa loob ng anim na buwan.

Una nang binatikos ni dating Soviet Union President Mikhail Gorbachev ang ginawang pag-urong rito ng US.

Ayon kay Gorbachev, isa umanong pagtalikod sa mga ginagawang hakbang sa pagkamit ng nuclear disarmament ang nasabing balak.

Sang-ayon sa kasunduan, ipinagbabawal na nito ang paggamit ng ground-launched medium-range missiles na may range na mula 500 hanggang 5,500-kms. (Agence France-Presse)