-- Advertisements --

Narekober umano ng mga mangingisda ang putol na braso na hinihinalang pagmamay-ari ng katawan ng tao, ayon sa kapulisan.

Ito ang nadiskubre nang mga mangingisda sa Barangay Calandagan sa Araceli town, Palawan kung saan nakita nila ang putol na parte ng katawan ng tao sa mismong tiyan ng pating.

Ayon sa Palawan Police Provincial Office, nangingisda umano ang mga mangingisda sa hindi kalayuan sa isla ng Calandagan malapit sa pampang ng Canaron Island, kung saan aniya nahuli ang naturang pating na tinatayang may bigat na 20 kilogram.

Matapos daw dalhin sa pamilihan ang nahuling pating upang ibenta nagulat na lamang ang mga ito nang wakwakin ang tiyan ng pating para linisin dahil tumambad umano sa kanila ang isang braso mula sa tao na may 12 ang haba.

Agad din naman daw inilibing ng mga mangingisda ang nakitang braso sa tiyan ng pating.

Kaugnay pa nito noong Pebrero 17, nang magpunta ang mga tauhan ng Araceli Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa barangay upang kunin ang parte ng katawan ng tao na natagpuan sa pating upang masuri nangsagayon ay malaman ang pagkakakilanlan kung sino at kanino ang naturang braso.

Ngunit ang braso umano ay nabubulok na dahilan para mahirapan ang mga awtoridad na makuha ang fingerprints nito.

Samantala, naglabas naman ng official statement ang Sangguniang Barangay ng Calandagan at ipinaliwanag na kaya hindi raw nila ipinaalam ang insidente sa publiko upang maiwasan aniya ang kalituhan at upang bigyan ng pagkakataon ang mga awtoridad na pangasiwaan nang maayos ang insidente.

Sinabi rin ng mga opisyal ng Barangay na nagsagawa sila ng imbestigasyon, kasabay ang pagsasagawa ng interview sa mga mangingisda na sangkot, at kalaunan ay ipinasa umano ng mga ito ang nakalap na impormasyon sa mga awtoridad para sa karagdagang pagsusuri.

Maalalang noong Huwebes ng hapon Pebrero 27, nang masawi ang dalawang Russian na nag scuba diving sa Batangas na ayon sa Batangas Coast Guard Station ay may kinalaman sa ‘shark attack’ dahil ang isa sa mga ito ay putol ang kanang kamay.

‘May theory sir na shark attack kasi iniikutan siya ng mga shark eh,’ sabi ni Batangas coast guard station commander Capt. Airland Lapitan.

Sa ngayon patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon ukol sa pagkamatay ng dalawang turistang Ruso at kung ang nakitang braso sa tiyan ng pating ay may kaugnayan sa mga ito.