KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa natagpuang putol na paa ng tao matapos humupa ang naranasang matinding pagbaha sa lalawigan ng Aklan.
Ayon kay Pook punong barangay Ronald Marte, natagpuan ang putol na kaliwang paa ng tao kahapon na nakabalot ng gasa at nakasilid sa dilaw na plastic bag sa dalampasigan sa kalagitnaan ng Lambingan at Pier 1 sa naturang lugar.
Nagimbal ang mga residenteng nakakita dito na agad na ipinaalam sa mga opisyal at Kalibo Municipal Police Station.
Maari umanong inanod ng baha ang paa kasunod ng malakas na buhos ng ulan.
Isinasailalim sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Municipal Health Office ang putol na paa para matukoy ang pagkakakilanlan.
Dinala na sa isang punenarya ang natagpuang paa.
Samantala, nakauwi na sa kani-kanilang bahay ang mga residenteng inilikas matapos na makaranas ng matinding baha dala ng walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng low pressure area (LPA) at intertropical Convergence Zone (ITCZ), Sabado ng hapon.
Hanggang umaga ng kahapon ng Linggo, may ilang bayan pa sa Aklan na mataas pa ang tubi-baha.
Halos lahat ng bayan sa Aklan ay nakaranas ng hanggang lampas tao na baha na agad na dinala sa kani-kanilang evacuation center.
Kasalukuyan pang hinihintay ang assessment report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council kaugnay sa pinsala ng nangyaring pagbaha.