-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kinakailangan munang makipag-ugnayan ng mga applicants para sa public utility vehicle (PUV) franchises sa kani-kanilang local government units (LGUs) at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa kanilang bagong tree-planting requirement.

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra III, magtatalaga ng lugar ang mga LGUs at DENR kung saan maaaring makapagtanim ng puno ang mga aplikante, na bagong parte ng aplikasyon para sa prangkisa.

“They will have to coordinate with the LGU kung saan sila naka-base or with the DENR for the purposes of securing the seedlings na itatanim nila that will be designated by the LGU or DENR,” wika ni Delgra.

Simula Disyembre 1, oobligahin ng LTFRB ang lahat ng mga PUV franchise applicants na magtanim ng puno kada unit, mapa-bago man o renewal, para sa susunod na tatlong buwan.

Saklaw sa memorandum ang lahat ng mga aplikante ng bagong Certificate of Public Convenience (CPC), na mayroong hindi bababa sa 10 unit, maging ang mga korporasyon at kooperatiba na nag-a-apply para sa extension ng validity ng kanilang CPC, ilan man ang kanilang yunit.

Ipinatupad ang nasabing polisiya kasunod ng mungkahi ni Transportation Sec. Arthur Tugade na gawing requirement ang tree planting para sa pag-iisyu ng transport franchise bilang tugon sa malawakang pagbaha na nanalasa sa Cagayan at Isabela kasunod ng paghagupit ng Bagyong Ulysses.