LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng pinuno ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Albay na kabilang ito sa mga humikayat sa tuluyang pagsuko ng kontrobersyal na si alyas Bikoy.
Sa pagharap ni Peter Joemel Advincula na nagpakilalang narrator ng narco-series video sa media kaninang umaga, makailang beses nitong binanggit ang pangalan ni PNP-CIDG Albay chief P/Maj. Ronnie Favia at isang SPO4 Amy Montales.
Ayon kay Favia sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, personal niyang kakilala si Advincula mula pa noong 2016 nang nakakulong pa ito sa New Bilibid Prison (NBP).
Nang makalaya noong Abril 2017, nagtungo pa aniya si Advincula sa kaniya at nagtuloy-tuloy ang komunikasyon subalit naputol nang masangkot ito sa umano’y anomalya sa isang pageant sa Albay hanggang sa paglitaw ng “Bikoy” video series.
Salaysay pa ni Favia na mismong ang pamilya ni Advincula ang lumapit at nagpatulong sa opisyal dahil sa umano’y banta sa seguridad habang itinuturing na bunga ng collaborative effort ang pagsuko ni alyas Bikoy.
Samantala, naniniwala si Favia na credible source si Advincula batay na rin sa pagkakakilala nito sa tao.