CENTRAL MINDANAO – Kasabay sa paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Kabacan, Cotabato at Kabacan PNP sa nalalapit na kapistahan, isinailalim ang mga force multipliers ng bayan sa isang pagsasanay kaugnay sa mga improvised explosive device na malimit magamit ng mga terorista.
Ayon kay Civil Security at Traffic Management Unit head ret. Col. Antonio Peralta, maliban sa nalalapit na kapistahan, ito na rin ay upang makapagsabayan ang mga force multipliers sa usapin ng security, peace at order ng bayan.
Dagdag pa nito, maliban sa mga dating miyembro ng Barangay Peace-keeping Action Team (BPAT) minabuti ni Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman na isailalim rin ang miyembro ng Civil Security Unit, Traffic Management Unit, mga kawani ng MENRO, at kawani ng Bureau of Fire Protection.
Kaugnay nito, isa sa binigyan ng importansya ay ang mga improvised explosive device na ayon kay Kabacan PNP chief of police PLt. Col. John Miridel Calinga, sa panahon ngayon na malimit na ginagamit ng mga terorista ang IED, marapat na bigyan ng kaalaman ang lahat sa usapin nito lalo na ang mga kawani ng MENRO na kung saan minsan sa basura na lamang nilalagay ang mga nasabing IED.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng mga nagsipagdalo na anila malaki ang maitutulong nito hindi lamang dahil sa nalalapit na kapistahan bagkus ay tiyak na magagamit nila ito sa araw-araw nilang pagtatrabaho.
Siniguro naman ni Committee Chair on Peace and Order Councilor Manny Pedtamanan na nakahanda ang tanggapan ng lehislatibo na magbigay ng suporta sa usapin ng lehislatura.
Hinikayat din nito ang mga dumalo na ipamahagi ang nalalaman upang maging kaisa ang buong bayan sa usapin ng kapayapaan at kaayusan.