Nananatili pa ring mataas ang English proficiency ng Pilipinas kahit na pumoste lamang sa mababang puwesto ang bansa sa 2020 EF English Proficiency Index (EF EPI).
Sa score na 562 out of 700, nasa ika-27 puwesto ang Pilipinas sa 2020 EF EPI, na inilabas ngayong linggo ng international education company na Education First.
Ang ranggo ng Pilipinas ay sumadsad ng pitong puwesto mula sa posisyon nito noong 2019.
Samantala, ang English proficiency ng Pilipinas sa Asya ay pumangalawa sa Singapore, na nakalikom ng score na 611 at nasa ika-10 puwesto sa global index.
Sa pangkalahatan, nanguna ang bansang Netherlands na may iskor na 652.
Sa “Proficiency Bands” naman, na binubuo ng mga bansa at teritoryo na may magkakaparehas na English language skills level, nagtala ng “high proficiency” grade ang Pilipinas, kagaya noong nakalipas na taon.