Itinanggi ni Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) director, Usec. Ernesto Carolina na may mga “ghost pensioners” pa rin ang nakakatanggap pa ng pension noong 2018 kahit namayapa na ang mga ito.
Sinabi ni Carolina, walang nawawalang pondo sa kanilang pensioner’s fund.
Batay kasi sa inilabas na Commission on Audit (COA) report, may 5,721 namayapa nang pensyonado ang nakatatanggap pa rin ng pensyon na umaabot na sa P70 million ang naipaluwal.
Paliwanag ni Carolina na mula sa P70 million, nasa 60% na sa nasabing halaga ang nabawi na nila habang ang nalalabi pang 30% hanggang 40% ay nananatili sa bank accounts ng mga benepisaryo at hindi ito nagagalaw pa.
Ayon kay Carolina, hindi lang ito mabawi sa ngayon ng PVAO dahil nangangailangan pa ito ng kaukulang dokumento tulad ng death certificate mula sa Philippine Statistics Authority bilang katunayan na ang isang pensyonado ay patay na.
Tiniyak ni Carolina na walang nangyayaring anomalya sa kanilang ahensya at nangako itong maisasaayos din ng PVAO ang mga kinukuwestiyon sa kanila ng COA sa lalong madaling panahon.
Sa datos ng PVAO, nasa 180,000 ang mga pensioners na may hawak na nasa 200,000 bank accounts dahil ang iba rito ay mga beneficiaries ng mga namayapang beterano.