-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hinikayat ng isang engineer ang publiko na makiisa sa layuning makapagbigay ng tulong sa mga residente na apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Taal sa Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Edmund Bresenio, nagsasagawa sa ngayon ang kanilang grupo ng charity groups, kung saan bumuo ng mga solar lamp na gawa sa plastic bottles.

Ayon kay Bresenio, mahigit na sa 200 na recycled plastic bottles ang kanilang nagawa na agad na ibinibigay sa mga residente sa Batangas na hanggang sa ngayon ay wala pa ring supply ng koryente.

Kung susumahin aniya, nagkakahalaga ng nasa P150 hanggang P200 ang bawat isang plastic lamps na magagamit naman ng mahabang panahon.

Napag-alamang katulong ng kanilang grupo ang mga senior citizens, mga bata at maging mga persons with disabilities na sabay-sabay na nag-assemble ng mga solar lamps.

Binigyang diin naman ng engineer na malaking bagay ang nasabing proyekto dahil natutulungan nito hindi lang ang mga apektado ng Taal eruption kundi nakakapagbigay din ng kaalaman sa mga volunteers.

Nanawagan din ito sa mga gustong tumulong sa mga taga-Batangas na huwag ng magdalawang-isip na tumulong sa kanilang grupo o mag-donate ng mga supplies direkta sa mga apektadong residente.