-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hinamon ng lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato ang abot sa 104 na mga Persons Who Used Drugs o PWUDs na nagtapos sa Community Based Drug Rehabilitation Program.

Sa hamon ng LGU-Kabacan, hinikayat nito na isabuhay ang slogan ng Kabacan Anti-Drug Abuse Council na ‘Never Begin, Never Again.’ sabay na hiniling na wala sanang madamay pang pangalan ng mga PWUDs sa mga isasagawang drug operation ng kapulisan at PDEA.

Ang nasabing mga nagtapos ay mula sa ikalima at ikaanim na batch ng CBDRP sa bayan.

Kinabibilangan ito ng Brgy. Poblacion, Brgy. Cuyapon, Brgy. Lower Paatan, Brgy. Kayaga, Brgy. Osias, Brgy. Bannawag, at Persons Deprived of Liberty o PDL.

Sa mensaheng ipinarating ni PDEA-12 Regional Director Naravy Duquiatan kay PDEA XII Legal Officer Atty. Rey Revita, binigyang diin nito ang salitang ‘BING’ na ibig sabihin ay Be responsible person , Involve in productive activity, No more illegal drugs, at God will be your inspiration.

Dagdag pa rito, binigyang pasasalamat din ng PDEA ang serbisyo at liderato ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pangunguna ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. na hindi nagpapahuli sa mga programa ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Dumalo naman sina DILG Provincial Director Ali Abdullah, Kabacan PNP Chief PMaj. Irish Hezron Parangan.

Ipinaabot naman ni Mayor Guzman kay Vice Mayor Myra Dulay Bade ang pagbati nito sa mga nagsipagtapos at hinikayat ang mga ito na maging ihemplo sa iba pang kakilala ng mga ito na patuloy parin sa paggamit ng iligal na droga.

Samantala, bago nagtapos ang programa, namahagi ng tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa 104 na nagsipagtapos.

Samantala,personal na iginawad ni DILG Cotabato Provincial Director Ali Abdullah ang pagkilala sa bayan ng Kabacan sa katatagan nito at suporta sa adhikaing mawakasan ang iligal na droga.

Ayon kay Abdullah, anim lamang na bayan ang napagkalooban ng ganitong pagkilala mula sa DILG, PDEA, at Dangerous Drug Board.

Dagdag pa nito, kilala ang bayan ng Kabacan bilang performer at tumatalima sa mga kautusan ng pamahalaan.

Mismong si Vice Mayor Myra Dulay Bade ang nagrepresenta sa alkalde. Sinaksihan naman ito nina PDEA XII Legal Officer Rey Revita, Municipal Administrator Ben C. Guzman, MSWDO Susan Macalipat, MADAC Focal Person Honey Joy Cabellon, MLGOO Ranulfo Martin, at Kabacan Chief of Police PMaj, Irish Hezron Parangan.