CENTRAL MINDANAO-Abot sa 259 na mga Persons Who Used Drugs o PWUDs ang nagtapos sa anim na session ng Community Based Drug Rehabilitation Program o CBDRP ng lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato.
Ang CBDRP ay programa ng DILG katuwang ang DOH upang matulungan ang mga dating gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na ma-clear ang kanilang pangalan sa listahan at mabigyan ng tulong.
Kaugnay nito, ang nasabing bilang ng mga PWUDs ay mula sa labing apat na barangay ng bayan.
Ito ang, Bangilan na may tatlong PWUDs, Bannawag na may apatnapot tatlo, Cuyapon na may apat, dalawampot siyam naman mula sa Dagupan, labing walo sa Katidtuan, pito sa Kayaga, sampo sa Kilagasan, labing tatlo sa Malamote, labing anim sa Osias, dalawampot lima sa Lower Paatan habang labing isa naman sa Upper Paatan, abot naman sa apatnapo sa Pedtad, tatlompot apat sa Poblacion, at anim ang mula sa Sanggadong.
Binati naman ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr ang mga nagsipagtapos. Aniya, patunay ang kanilang pagdalo na nais nilang magbago at kalimutan na ang kanilang nakaraan.
Hinamon din nito ang bawat isa na huwag ng balikan pa ang dating buhay at maging ehemplo din sa ibang mga kakilalang hindi pa huminto sa masamang gawain.
Napabilib naman si PDEA XII Director II Naravy Duquiatan sa liderato ni Mayor Guzman at sa bumubuo ng Municipal Anti-Drug Abuse Council.
Aniya, kakaibang suporta ang ipinakita ng alkalde ng bayan sa laban kontra iligal na droga. Napabilib din ito sa dami ng mga PWUDs na dumaan sa anim na sessions.
Samantala, siniguro din ng lokal na pamahalaan ng Kabacan na makakaasa ang mga PWUDs na hindi rito magtatapos ang programa ng gobyerno bagkus ay simula pa lamang ito.
Ito na ang ikalawang batch ng mga PWUDs na nagsipagtapos sa ilalim ng CBDRP.
Nagpasalamat din ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa mga Punong Barangay at mga councilors nito sa tulong at suporta sa pagpupursige na maisakatuparan ang CBDRP.