Inaresto ng mga tauhan ng crack team ng CIDG ang isang ginang bandang alas-9:00 kagabi sa loob ng isang restaurant sa Gets Hotel, Tayuman St., Sta Cruz, Manila.
Umiiyak pa ng posasan ng mga CIDG ang ginang na si Rhodora Comedes na nagtatago sa batas at mga taong natangayan niya ng milyong milyong salapi.
Ang pag-aresto ay bunsod na rin sa ipinalabas na warrant of arrest ng La Trinidad, Benguet RTC Branch 62, Judge Camacho.
Ayon kay PSupt. Roque Merdeguia na ang suspek na si Comedes ay mahigit isang taong pinaghahanap ng otoridad dahil siya ay akusado sa large scale estafa sa Baguio City.
Sinabi ni Merdeguia na maraming naging biktima si Comedes sa Baguio City at iba pang bayan sa Luzon na nahikayat na mag invest sa kanilang negosyong Forex at pautang.
Pero matapos matanggap ni Comedez at kasabwat nitong si aka Fianza ang milyong milyong halaga ng pera bigla na lamang naglaho ang mga ito at tangay ang mga pera.
Modus ni Comedez at Fianza ang pyramiding investment scheme na nangangako ng malaking buwanang interest sa mga biktima.
Nanawagan naman ang CIDG sa mga maaaring naging biktima ni Comedez na lumutang sa tanggapan ng CIDG.