Nagdesisyon ang ilang local government units sa Metro Manila na pansamantalang itigil ang kanilang pagpapabakuna sa kanilang mamamayan dahil umano sa kakulangan ng suplay ng bakuna.
Pinakahuli rito ay ang Quezon City kung saan base sa kanilang advisory, nakareserba lamang ang nasabing bakuna para sa mga second dose na.
Magpapalabas na lamang aniya sila ng kanilang abiso kapag mayroon ng sapat na suplay ng bakuna.
Sa lungsod naman ng Makati ay prayoridad muna nila ngayon ang pagpaparehistro ng mga nagpapabakuna.
Magugunitang ilang mga LGU na pansamantalang nagtigil ng kanilang pagpapabakuna ay ang Malabon, Muntinlupa, Valenzuela, Paranaque at Caloocan.
Nauna nang humingi ng paumanhin si National Task Force against COVID-19 (NTF) deputy chief implementer Vince Dizon sa mga LGU dahil sa kakulangan ng suplay subalit tiniyak nila na darating ang ilang libong bakuna sa mga susunod na linggo kaya maaari ng ituloy ang pagpapabakuna.