Muling binalaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kaniyang mga mamamayan na mahigpit pa rin nilang ipinapatupad ang ordinansa tungkol sa minimum health protocols.
Sinabi ng alkalde na dahil sa marami pa rin ang hindi sumeseryoso sa kanilang ordinansa kaya muli nila itong mahigpit na ipapatupad.
Base kasi sa naging ulat ni Dr. Rolly Cruz ang City Epidemiology and Disease Surveillance Units na mula noong Pebrero 25 hanggang Marso 4 ay mayroong average na 149 na kaso kada araw ang naitatala at hindi na ito bumababa.
Sa nasabing ordinansa ng lungsod na pagmumultahin mula P300 sa unang paglabag, P500 sa pangalawang paglabag at P1,000 sa pangatlong paglabag ang sinumang lumabag sa kanilang ordinansa.
Maging ang mga establishimento ay hindi rin nito pinaligtas na dapat multahan ganun din ang hotels na ginagawang quarantine facilities para sa mga Overseas Filipino workers (OFW).
Nakarating kasi sa kaalaman ng alkalde na pinapalabas ng mga quarantine hotels ang naka-quarantine na OFW kahit na hindi pa nila tapos ang kanilang quarantine period.