-- Advertisements --

Pinaigting pa nang husto ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang ginagawa nilang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng isang overseas Filipino worker na nagpositibo sa UK COVID-19 variant.

Sinabi ni Francis Adante, officer-in-charge ng Barangay Commonwealth, umabot na sa 90 pamilya o 342 katao ang subject sa kanilang contact tracing.

Paglalahad ni Adante, kabilang na raw dito ang 50 formal workers, 15 seniors, dalawang buntis at walong bata.

Nagsagawa na rin aniya ang lokal na pamahalaan ng swab test sa 105 katao.

Kaugnay nito, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na sumailalim na rin sa testing ang kasama sa kwarto ng 35-anyos na pasyenteng taga-Cebu.

Ayon kay Belmonte, ito raw ay bahagi ng protocol upang madetermina kung kinapitan na rin ng B.1.1.7 variant ang roommate ng OFW.

Bago ito, makaraang magpositibo sa COVID-19, inilipat ng isang recruitment agency na nakabase sa Maynila ang naturang OFW sa apartment sa Riverside Street, Barangay Commonwealth noong Enero 21.

Dagdag pa ni Belmonte, pananagutin din nila ang nabanggit na recruitment agency dahil wala raw itong pasabi sa kanila na dadalhin nito ang nasabing pasyente sa isang apartment sa siyudad.