-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin ang pamahalaang lokal ng Quezon sa mga QCitizens na hirap maka book ng slot sa kanilang bakuna o magpa-booster shots sa pamamagitan ng online registration.


Ayon sa Quezon City LGU, nakakaranas ng sobra-sobra at biglaang pagdami ng registration at request ang QC Vax Easy plus ng mga nais magpabakuna o mag-booster.

Kada oras simula kahapon, hanggang 1.6 million ang sabay-sabay na pumapasok sa site.

Paliwanag ng pamahalaang lokal na hindi ito karaniwang nangyayari dahil sa nakalipas na ilang buwan mula noong inilusad ang QC Vax Easy, umabot lamang sa higit 1.2 ang kabuuang nagreshitro sa QC Vax Easy plus.

Payo naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, para sa ibang nahihirapang mag-book sa ngayon, balikan lamang ang site sa mga susunod na oras para hindi sumabay sa bulto-bultong nais magrehistro.

Humihingi ng pang-unawa ang alkalde sa mga constituents nito na patuloy na sinisikap ng Quezon City Government na pataasin pa ang server capacity ng website.

Kasalukuyang isinasagawa ang drive thru vaccination sa SM North EDSA carpark at SM Fairview multi-level parking area bilang bahagi ng tuloy-tuloy na #QCProtekTODO vaccination program ng lungsod.

Ang drive thru vaccination ay tatakbo ng tatlong araw mula ngayong Lunes hanggang Miyerkules ngayong araw, kaya’t hinihikayat ang mga motoristang magparehistro sa QC Vax Easy Plus upang makapag-pabakuna.

Magkakaroon din ng karagdagang vaccination sites sa bawat distrito sa lungsod upang mabakunahan ang mas marami pang QCitizens na wala pang 1st dose, 2nd dose at booster shots.

Puspusan pa rin ang isinasagawang pagbabakuna ng Quezon City government para sa first dose ng adults at mga kabataan edad 12 to 17, at booster shots.

Binisita ni Mayor Joy Belmonte ang ilan sa vaccination sites sa lungsod tulad ng MRB Vaccination site, Brgy. Holy Spirit, Brgy. Fairview, Brgy. Gulod, Brgy. UP Village, Manotoc Covered court sa Brgy. Baesa, Culiat High School, Quezon Memorial Circle, at Pinyahan Elementary School.

Bubuksan na rin ng QC government ang kanilang Mega Vaccination Site ang Smart Araneta Coliseum, sa Sabado January 15,2022.