Suportado ng Quezon City local government ang nakatakdang Bar examinations ngayong taon.
Katunayan ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, magsasagawa ng swab testing ang team ng kanilang lungsod sa 756 examinees at 350 personnel at volunteer.
Layon nito ay para matiyak ang mga makikiisang indibidwal lalo na ang mga examinee na ligtas mula sa exposure at masiguro na ang nasabing aktibidad ay hindi magiging “super spreader” event.
Mahigpit aniya silang nakikipag-ugnayan sa Supreme Court (SC) maging sa administrators ng University of the Philippines (UP) na isa sa mga piniling testing sites.
Giit ng alkalde na iisa ang kanilang hangarin sa kaligtasan ng mga kukuha ng pagsusulit at ang tagumpay ng examination na nakatakda sa darating na February 4 hanggang February 6.
Batay sa inisyal na pag-uusap, ang SC ang siyang maglalaan ng test kits, habang ang Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU) ang magsasagawa ng rapid antigen testing sa mahigit 1,100 katao na ugnay sa Bar exam.
Kaugnay nito, nasa 20 health personnel ang ide-deploy ng QCESU para sa testing activities na magsisimula ngayong February 2 para sa mga Bar examinee, at February 3 para sa mga personnel at volunteers na gagawin sa UP College of Human Kinetics Gymnasium.
Dagdag ni Mayor Joy, ang sinumang magpositibo ay ia-assess at ire-refer para sa home quarantine o agad dadalhin sa HOPE Community Care facilities ng siyudad.
Ang QC Disaster Risk Reduction and Management Office at ang Quezon City Fire District ay magtatayo ng mga tent sa loob ng UP Campus upang mag-standby para sa anumang emergency.
Ang QC Task Force for Transport and Traffic Management ang tututok naman para matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng UP campus.